Isang Dosenang klase ng high school students.
Excerpt from “ABNKKBSNPLAKo” by Bob Ong:
\
Sa mata ng isang guro, may isang dosenang klase lang ng high school
students.
CLOWNS – Ang official kenkoy ng class. May mga one-liner
na gumigising sa lahat pag nagkakaantukan na. Sabi ng ilang teacher, eto raw
yung mga KSP sa klase na dahil hindi naman matalino e idinadaan na lang sa
patawa ang pagpapapansin. Pero aaminin ko, walang klaseng walang ganito, at
kung meron man, magigigng matinding sakripisyo ang pagpasok sa eskuwela araw-
araw.
GEEKS – Mga walang pakialam sa mundo,
libro-teacher-blackboard lang ang iniintindi. Kahit na mainit na ang ulo at bad
trip ang teacher, ang mga geeks ang walang takot na lumalapit sa kanila para
lang itanong kung mag-iiba ang result ng equation kung isa-substitute yung
value ng X sa Y.
HOLLOW MAN – May dalawang uri ang H.M virus, ang type A at
type B. Ang type A ay ang mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang
upuan, madalas absent. Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e
invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz, hollow ang utak.
SPICE GIRLS – Barkadahan ng mga kababaihang mahilig
gumimik, sabay-sabay pero laging late pumapasok ng room pagkatapos ng recess at
lunch break. Madalas na may hawak na suklay, brush, at songhits. Pag pinagawa
mo ng grupo ang isang klase, laging magkakasama sa iisang grupo ang SG.
DA GWAPINGS – Ang male counterpart ng SG, isinilang sa
mundo para magpa-cute. Konti lang ang miyembro nito, mga dalawa hanggang apat
lang, para mas pansin ang bawat isa. Tulad ng SG, kadalasang puro hair gel lang
ang laman ng utak ng mga DG.
CELEBRITIES – Politicians, athletes, at performers.
Politicians ang mga palaban na mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng
eskuwelahan at mga kapwa estudyante kesa sa grades nila sa Algebra. Athletes
ang ilang varsitarian na kung gaano kabilis tumakbo e ganoon din kabagal
magbasa. Performers naman ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa
eskuwela e para makasayaw, makakanta, at makatula sa stage tuwing Linggo ng
Wika. Sa pangkalahatan, ang mga celebrities ay may matinding PR, pero mababang
IQ.
GUINESS – Mga record holders pagdating sa persistence.
Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang
nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation. Paulit-ulit
at madalas magtaas ng kamay, kahit na laging mali ang sagot.
LEATHER GOODS – mga estudyanteng may maling uri ng
determinasyon. Laging determinado ang mga ito sa harapang pangongopya,
bulgarang pandaraya, at palagiang pagpapalapad ng papel sa teacher. Talo ang
mga buwaya sa pakapalan.
WEIRDOS – Mga problematic students, misunderstood daw,
kadalasang tinatawag na black sheep ng klase. May kanya-kanya silang katangian,
konti ang kaibigan, madalas mapaaway, mababa ang grades, at teachers’ enemy.
MGA ANAK NI RIZAL – Ang endangered species sa eskuwelahan.
Straight ‘A’ students pero well rounded at hindi geeks. Teacher’s pet pero
hindi sipsip. Hari ng Math, Science, at English, pero may oras pa rin sa
konting extra-curricular activities, at gimmicks.
BOB ONGS – Mga medyo matino na medyo may sayad. Eto yung
estudyanteng habang nagle-lecture yung teacher e pinaplano na yung librong
ipa-publish nya tungkol sa mga classmates nya.
COMMONERS – Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa
individuality at katangiang umuukit sa isipan. Hindi sila kagad napapansin ng
teacher pag absent, at sa paglipas ng panahon, sila ang mga taong unang
nakakalimutan ng mga teachers at classmates nila.
Posibleng may mga estudyante na ang katangian ay kombinasyon ng
mga nabanggit. Posible ring hindi lahat ng uri ng estudyante ay makikita sa
iisang klase.